Weekly Flag Raising Ceremony (1st Monday of July 2026)
Sa unang Lunes ng buwan ng Hulyo, pinangasiwaan ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ang lingguhang Flag Raising Ceremony sa Pamahalaang Bayan ng Los Baños sa ilalim ng pamumuno ni Hon. Mayor Neil Andrew N. Nocon. Pinangunahan ito ni Ms. Madeleine Alforja, Municipal Nutrition Action Officer, kasama si Dr. Mary Cerezo, MNAO Consultant, mga kawani ng tanggapan, at mga Barangay Nutrition Scholars (BNS).
Nakiisa sa programa ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Hon. Vice Mayor Marlo PJ Alipon, kabilang sina Hon. Aldous Amiel B. Perez, Hon. Leren Mae Bautista, Hon. Rand De Jesus, at Hon. Jay A. Rolusta, bilang pagpapakita ng suporta sa mga programang nagtataguyod ng kalusugan at kapakanan ng mamamayan.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Ms. Alforja ang mga mahahalagang tagumpay at pagkilalang natanggap ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños sa larangan ng nutrisyon, na sumasalamin sa patuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng iba't ibang sektor upang maisulong ang mas malusog na komunidad.
Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Memorandum Order No. 2026-0066 hinggil sa Physical Fitness Activities, nagsagawa ang MNAO ng demonstrasyon sa wastong paggamit ng mini loop at pull-up resistance bands na ipinamahagi sa mga kawani ng pamahalaan. Layunin ng programa na mahikayat ang bawat empleyado na makamit ang 150 minuto ng physical activity bawat linggo, bilang pagsuporta sa isang aktibo at malusog na pamumuhay.
Kasabay nito, pormal ding inilunsad ang pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon 2026 na may temang "Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan," na nagbibigay-diin sa mahalagang ugnayan ng wastong nutrisyon, pangangalaga sa kalikasan, at sama-samang pagkilos tungo sa mas malusog at mas matatag na pamayanan.
Dumalo rin sa programa ang mga kinatawan ng DILG Family: Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP); kasama ang mga miyembro ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) at Girl Scouts of the Philippines (GSP), mga department at unit heads, at mga kawani ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños, bilang pagpapakita ng kanilang pagkakaisa at patuloy na suporta sa mga programang nagsusulong ng kalusugan, disiplina, at mahusay na serbisyong pampubliko.
Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños ang mga programang nagtataguyod ng kalusugan, kaayusan, at mahusay na paglilingkod para sa bawat Los Bañense.
Related:
-
Most Viewed Article
