Los Baños Central Elementary School marked its 104th Graduation Rites (March 30, 2026)
Isang makabuluhan at puno ng inspirasyong pagdiriwang ang nasaksihan sa pagdalo ni Mayor Neil Andrew Nocon sa ika-104 Araw ng Pagtatapos ng Los Baños Central Elementary School noong Marso 30, 2026. Dumalo rin sa naturang okasyon si Ms. Soledad Villanueva, Public Schools District Supervisor ng Los Baños Sub-Office; Mr. Doland Castro, bilang kinatawan ni Gobernadora Sol Aragones; gayundin ang mga guro ng paaralan sa pangunguna ni Dr. Rogel Barcenas, Punong-Guro, kasama ang iba pang opisyal at kawani ng paaralan.
Sa temang “Pilipinong Nagsipagtapos: Handang Mamuno nang may Kakayahan at Mabuting Pagkatao,” ibinahagi ng Punong Bayan ang kanyang taos-pusong mensahe ng pagbati at inspirasyon sa mga nagsipagtapos. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sipag, disiplina, at mabuting asal bilang pundasyon ng tunay na tagumpay, at hinikayat ang mga mag-aaral na maging handa sa mas malalaking hamon habang patuloy na pinapangarap ang mas maliwanag na kinabukasan. Kasabay nito, kinilala rin ang tagumpay ng mga guro at buong pamunuan ng paaralan sa pangunguna ni Dr. Rogel Barcenas, Punong-Guro, na patuloy na nagsusulong ng kalidad na edukasyon at maayos na paggabay sa mga mag-aaral. Sa kanilang sama-samang pagsisikap, higit na naging makabuluhan ang pagdiriwang na ito bilang patunay ng dedikasyon ng mga guro sa paghubog ng kabataang Los Bañense. Ipinahayag din ni Mayor Nocon ang kanyang buong suporta sa sektor ng edukasyon at ang patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon para sa bawat kabataang Los Bañense.
Nawa’y magsilbi kayong inspirasyon at pag-asa ng ating bayan, mga kabataang handang mamuno nang may talino, kakayahan, at mabuting puso. Maligayang pagtatapos!
| via CJSA/ PIO-MGLB
Related:
-
Most Viewed Article
