MENU
Philippine Standard Time:
Weekly Flag Raising Ceremony (4th Monday of March 2026)
Published date: Mar 23, 2026
Weekly Flag Raising Ceremony (4th Monday of March 2026)

Pinangasiwaan ng Barangay Bambang sa pangunguna ni Kgg. Arlene P. Delos Reyes kasama ang kanyang mga kagawad at kawani, ang pagtataas ng watawat sa ikaapat na Lunes ng Marso 2026 sa Pamahalaang Bayan ng Los Baños sa pamumuno ni Hon. Mayor Neil Andrew N. Nocon. Sa kanyang ulat, ibinahagi ni Kapitana Arlene ang mga tagumpay at kasalukuyang programa ng kanilang barangay.

Malugod namang ipinakilala ni Municipal Agriculturist Cheryll Laviña-Gonzales si Ken Rich M. Perilla ng Tadlac Elementary School na nagwagi sa TulaRAM (Spoken Word Poetry Contest) bilang bahagi ng Rabies Awareness Month (RAM) sa Los Baños, na kahanga-hangang itinanghal rin ang kanyang piyesa. Ipinakilala rin ni Mr. Lolito Bariring, Tagapangulo ng Komite ng Halalan ng LOBEMCO ang mga nahalal sa ginanap na eleksyon noong ika-22 ng Marso (Linggo) kabilang sina Board of Directors Imelda Menguito, Lou Andie Reyes, at Ayleen Palanginan; Election Committee Marissa Esguerra at Mike Leo Cadapan; at Audit Committee Giljun Caracuel at Mark Alvin Acebedo.

Ipinagmalaki naman ni Tourism Officer Edmarie Z. Calungsod ang mga Los Bañenseng nagbigay dangal sa bayan sa nakaraang Anilag Festival 2026 Level Up kabilang si Mr. Jan Paolo Ratilla na itinanghal na Lakan ng Laguna 2026 2nd Runner Up, at ang Los Baños Sayawit Team sa pangunguna nila Coach Ra’John Buena Panopio, Coach Ivan Boloron, at Coach Jason Niño Garcia na nagkampeon sa Anilag 2026 Level Up Sayawit Competition. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga tanggapan at indibidwal na nagbigay ng buong suporta sa grupo, maging ang mga bumuo ng Bañamos Song na sina Mr. Marlon H. Nabia at Mr. Dencio Maningas.

Nagbigay-galang at pakikiisa rin si PLTCOL Alexy E. Sonido, bagong Officer-in-Charge ng Los Baños Municipal Police Station, at nagpahayag ng matibay na pakikipagtulungan para sa mas pinaigting na seguridad ng bawat Los Bañense. Samantala, nagpahayag naman ng pagkilala at pasasalamat si Hon. Mayor Neil Andrew Nocon sa lahat ng nagbigay karangalan sa bayan at hinangad ang patuloy nilang tagumpay. Binati rin ni Mayor Nocon ang mga opisyal at kawani at hinikayat ang lahat sa panibagong linggo ng masigla at dedikadong paglilingkod.

Nakiisa sa seremonya ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Hon. Vice Mayor Marlo PJ Alipon, kabilang sina Hon. Muriel Laisa B. Dizon, Hon. Leren Mae M. Bautista, Hon. Rand Edouard R. De Jesus, at Hon. Jay A. Rolusta, ang mga Department at Unit Heads sa pangunguna ni Municipal Administrator Virgilio Tiongson at Chief of Staff Pong Guinto, ang DILG Family (PNP, BFP, BJMP), iba pang mga kawani ng pamahalaan, at mga On-the-Job Trainings at work immersion bilang sama-samang pagpapakita ng pagkakaisa at pagsusulong ng serbisyong makatao at diretso sa tao para sa bayan ng Los Baños.

#WeeklyFlagRaisingCeremony

#MunicipalityOfLosBaños

#SerbisyongDiretsoSaTao

#AbanteLosBaños

 

| via CJSA/ PIO-MGLB

 1737 Total Views

Related:


;