175th birth anniversary of General Paciano Rizal observed with full-day commemorative activities in Los Baños (March 9, 2026)
Ipinagdiwang ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños, sa pamumuno ni Hon. Mayor Neil Andrew N. Nocon, ang ika-175 taong paggunita sa kapanganakan ni Heneral Paciano Rizal at sa kanyang mga taon ng rebolusyonaryong pamumuno nitong Marso 9, 2026 (Lunes) sa General Paciano Rizal Shrine, Brgy. Baybayin, Los Baños, Laguna.
Nagkaroon ng limang bahagi ang pagdiriwang. Sinimulan ito sa isang Heritage Walk, isang makasaysayang paglalakad na naglalayong alalahanin at balikan ang mahahalagang pook at pangyayari sa kasaysayan ng Los Baños at ng pamilya Rizal. Nagsimula ang paglalakad mula sa UPLB College of Agriculture (Pook Pinagtatagan) sa Brgy. Timugan at nagtapos sa Los Baños Station sa Brgy. Bambang, bilang simbolikong paglalakbay sa mga yapak ng kasaysayan at sa mga lugar na may mahalagang ugnayan sa buhay at pakikibaka ni Heneral Paciano Rizal.
Ang ikalawang bahagi ng programa ay binuksan sa pagpasok ng kulay na pinangunahan ng PNP Los Baños. Sinundan ito ng pag-aalay ng bulaklak sa General Paciano Rizal Shrine na pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños sa pangunguna ni Hon. Mayor Neil Andrew N. Nocon, kasama sina Hon. Vice Mayor Marlo PJ A. Alipon, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan kabilang sila Hon. Miko C. Pelegrina, Hon. Aldous Amiel B. Perez, Hon. Muriel Laisa B. Dizon, Hon. Leren Mae M. Bautista, Hon. Benedicto S. Alborida, Hon. Rand Edouard R. De Jesus, Hon. Myla E. Alinsunurin, Hon. Jay A. Rolusta, gayundin sina ABC President Gaudencio Macatangay at SK Federation President Samantha Banasihan Ortega. Nakibahagi rin ang pamilya ni Heneral Paciano Rizal kabilang sina Gng. Gemma Cruz-Araneta at G. Virgilio Lopez Villarruz, National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pamamagitan ng kinatawan ni Hon. Governor Marisol “Sol” Aragones-Sampelo, Kongreso ng ika-dalawang Distrito ng Laguna kabilang sina Provincial Board Members Hon. Tutti Caringal, Hon. Ninoy Bagnes, at kinatawan ni 2nd District Congressman Hon. Ramil L. Hernandez, Knights of Rizal sa pangunguna ni KGOR Area Commander Anastasio Castillo, at Makiling Lodge no. 72.
Sa ikatlong bahagi ng programa ay nagbigay ng mensahe si Hon. Mayor Neil Andrew N. Nocon na binigyang-kahalagahan ang pag-alala sa buhay at sakripisyo ni Heneral Paciano Rizal bilang inspirasyon sa paglilingkod, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan. Nagpahayag rin ng mensahe ang kinatawan ni Governor Marisol “Sol” Aragones-Sampelo at Congressman Hon. Ramil L. Hernandez, maging sina Schools Division Superintendent Editha M. Atendido CESO V, at Knights of Rizal Area Commander Anastasio Castillo.
Ipinakilala naman ni UPLB Chancellor Dr. Jose V. Camacho Jr. ang natatanging panauhing pandangal na si UP President Atty. Angelo A. Jimenez, na sa kanyang mensahe ay nagpugay sa alaala ng mga aral ng pamumuno, katapangan, at pagmamahal sa bayan na iniwan ni Heneral Paciano Rizal. Nagbahagi din ng pagtatanghal ang mga mag-aaral ng Paciano Rizal Elementary School, habang pinangunahan ni Gng. Gemma Cruz-Araneta, apong pamangkin ng heneral ang talakayan hinggil sa kanyang buhay at pamana. Matapos ay isinagawa ang paglalahad ng pambayang kautusan para kay Heneral Paciano Rizal, kasunod ang mensahe ng pasasalamat ng ikalawang apo sa tuhod ng heneral na si G. Virgilio Lopez Villarruz, habang nagbigay ng makahulugang pangwakas na mensahe si Vice Mayor Alipon.
Ang Commitment Ceremony ng Rizal Classrooms of the Future (RCOF) ay naging ikaapat na bahagi ng serye na palakasin ang kolaborasyon sa pagitan ng University of the Philippines System, University of the Philippines Los Baños (UPLB), at University of the Philippines Open University (UPOU). Kasabay nito, nakibahagi rin ang mga kinatawan mula sa pamahalaan at sektor ng edukasyon upang ipakita ang kanilang suporta sa inisyatibang naglalayong paunlarin ang makabagong pamamaraan ng pagtuturo at pagkatuto sa mga paaralan.
Nagtapos ang pagdiriwang sa isang masayang salu-salo sa General Paciano Rizal Shrine. Sa paggunita ng ika-175 taong paggunita sa kapanganakan ni Heneral Paciano Rizal, pinagtibay ng Los Baños ang pagpapahalaga sa kanyang pamana ng tapang, pamumuno, at pagmamahal sa bayan na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng mga Los Bañense.
| via CJSA/ PIO-MGLB
Related:
-
Most Viewed Article
