PAGSUSUOT NG FACE SHIELD AT FACE MASK MAS PINAIGTING SA BAYAN NG LOS BAÑOS

Ipinaalala ni Municipal Administrator Atty. Robert Laviña sa mga empleyado ng Munisipyo ang palagiang pagsusuot ng face mask at face shield lalo na kung lalabas at haharap sa publiko sa ginanap na lingguhang flag raising ceremony nitong Lunes.
Makatutulong ang pagpapaigting ng implementasyon sa paggamit ng facemask at face shield upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa ating bayan.
Ibinahagi rin niya ang patungkol sa naging suliranin sa basura sa bayan ng Los Baños nitong mga nagdaang buwan. Ipinarating niya ang panawagan ng pamahalaang lokal sa ating mga mamamayan na palagiang sundin at gawin ang wastong segregation at disposal ng mga basura.
Kanya ring ipinabatid na mas mahigpit nang ipatutupad ang "NO SEGREGATION, NO COLLECTION POLICY" upang mas maging maayos at mabawasan ang mga kinokolektang basura sa mga kabahayan.
Malaking tulong umano ito dahil malapit nang mapuno at magsara ang pasilidad kung saan dinadala ang mga hinahakot na basura, sakaling mangyari ito ay kinakailangan na aniya ng pamahalaang bayan na maghanap ng ibang lugar na pagdadalhan ng mga nahahakot na basura.
Kaugnay nito, nabanggit naman ni Mayor Antonio "Kuya Tony" Kalaw ang makalawang beses niyang pagbisita sa ating Material Recovery Facility (MRF) at masaya niyang ibinalita na tumalima ang mga namamahala rito dahil nalinis na at wala na ang tambak na mga basura sa naturang pasilidad.
Inaprubahan na rin umano ng ating butihing Alkalde ang kinakailangang karagdagang tao at pahinante para sa MRF.
Kanya ring inihayag na ang dating loteng kinatatayuan ng Laguna Water District ay gagamitin upang mapalawak pa ang serbisyo ng ating Health Center.
Sa gayon ay higit na mapaglilingkuran ang mga nangangailangan nating kababayan. Ang naturang lugar ay maaari rin aniyang magsilbing relocation site ng mga nakatira sa mga delikadong lugar gaya ng mga nakatira sa tabing riles.
Sa kasalukuyan, inaayos na umano ng pamahalaang lokal ang lahat ng mga kinakailangan at sisikaping maging matagumpay ang mga ninanais na programa at proyekto sa bayan ng Los Baños.
Related:
-
Most Viewed Article